Ang Little Leaguer mula Bacolod na ngayo'y accountant sa Coca-Cola Philippines

Isa si Jessel Taladtad sa mga taga-probinsya na nabigyan ng pagkakataon na makarating sa Maynila dala ang angking galing sa softball at determinasyong magtagumpay, nagpursigi at ngayo'y nagtatamasa ng magandang estado sa buhay.


Habang naglalaro ng softball sa Little League Philippines at nang lumaon sa UAAP, matiyagang nagsunog ng kilay ang tubong Bacolod na si Taladtad upang makatapos ng kursong accountancy sa Adamson University at makapasa sa board.

Dahil sa tyaga, isa nang CPA ngayon si Jessel at nagtatrabaho sa isang malaking kumpanya, ang
Coca-Cola Philippines.
Aniya, malaking bagay ang natununan niya sa Little League sa loob ng pitong taon (1999-2006) sa pagtahak niya sa ninanais na landas.

"Napagtanto ko na malaking bentahe pala ang pagiging atleta sa corporate world, lalo na sa ugali at pagiging team player," sabi ni Jessel. "Yung mga naging karanasan ko ang nagturo sa akin na maging matatag sa pagharap sa mga hamon ng buhay at maging mapagbigay at ibahagi ang aking tagumpay sa iba." "Disiplina rin ang tumulong sa akin sa pag-aaral lalo na noong ako'y naglalaro sa UAAP habang nagtitiyagang makakuha ng university degree at nang lumaon makapasa sa CPA board exam," kanyang ibinahagi.



Unang naglaro si Jessel sa Bacolod City noong 1999 at 2001 hanggang 2004 sa Little League, Senior League at Big League. Nang mga sumunod na taon, Manila naman ang kanyang dinala para sa Big League division. Nakarating si Taladtad sa World Series sa Amerika nang apat na beses, isang hindi malilimutan niyang karanasan. "Nabigyan ako ng pambihirang pagkakataon na makita ang kabilang parte ng mundo sa murang edad. Napalawak nito ang aking pananaw sa buhay," hirit niya.

Sa paglalaro niya natutunan ang kahalagahan ng disiplina sa sarili, determinasyon at dedikasyon na mapabuti pa lalo ang sarili. "Namulat ang kamalayan ko sa pagiging responsable. Sa labas ng field, binigyan kami ng gawaing katulad ng paghugas ng pinggan, paglinis ng dorm, pagluto ng pagkain, paglaba ng sariling damit at paglinis ng cabinet. Mga simpleng gawain lamang ito pero naging magandang pagsasanay ito upang matuto akong hindi maging palaasa sa iba," kuwento ni Jessel. Nais niya ring maranasan ng mga kabataan ng ganitong ekspiriensya. "Hindi lang kasi pisikal na aspeto ang napapaganda ng sports, may makukuha pang benepisyo sikolohikal at emosyonal," giit ni Taladtad. Bilang payo sa kabataang nagsisimula pa lamang sa Little League, sinabi niyang mag-enjoy lang sa paglalaro.



"May mga values kayong matututunan na pagdating ng araw ay magiging second nature sa inyo sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Kapag dumating sa puntong ganito, taas-noo mong gugunitain ang landas na pinagdaanan," panapos ni Jessel.

Little League Philippines 2023 Website design by: Jenno Camo Web Design and Develoment

Search