Little League baseball, magandang 'training ground' sa buhay

 

 Little League baseball, magandang 'training ground' sa buhay Para kay Justin Zialcita, business development manager ng Mizuno Philippines at isang entrepreneur, nagsilbing magandang “training ground” ang paglalaro niya ng baseball sa Little League upang mahubog ang kanyang katauhan at maging handa sa hamon ng buhay kalaunan.

“Masasabi ko na marami akong natutunang values sa Little League,” ani Justin, na siyam na taong naglaro sa liga, mula sa Minor League division hanggang sa Big League.

Unang-una aniya dito ang disiplina. 
“Sa murang edad, habang sa video games at laruan nahuhumaling ang ibang bata, nasa labas ako ng bahay sumasambot ng bola at nagsasanay kasama ang aking ama,” kwento niya. “Puro hard work ako noon, wala halos summer break pero ganito ang aking ginusto.”

Nariyan din ang katatagan. 
“Dahil sa baseball, natuto akong hindi sumuko. Naalala ko pa noong ako’y 13 taong gulang pa lang, sinabi sa akin ng aking ama na ituring ang bawat inning na ninth inning sa isang tablang laro at ito’y tumatak sa aking isipan at puso hanggang ngayon, dala-dala ko sa lahat ng aking ginagawa,” litanya niya.

Ang pagsusumikap.
“Nabanggit ng isa sa mga naging coach ko na mayroong isang tao sa ibang lugar na nagsusumikap nang mas doble sa ‘yo sa kagustuhang talunin ka.’ Naniniwala ako na kung may nais kang makamtan, pagsumikapan mo ito, hindi ito darating na lang sa iyo,” giit ni Zialcita.

Natutunan niya rin ang kahalagahan ng preparasyon.

“Noong ako’y nasa high school, habang nagpa-party tuwing Byernes ng gabi ang mga kamag-aral ko, ako’y nasa tahanan lang namin at naghahanda pisikal at mental para sa laro kinabukasan. Gumagawa ako ng 200 practice swings at 200 towel throws bago matulog noon.

“Maaga akong natutulog at sinasaisip kung ano ang gagawin sa laro kinabukasan at kung sino ang makakaharap ko sa kalaban. Ganito rin ako sa aking trabaho, naghahanda ako nang mabuti sa mga pagpupulong o interview na pupuntahan ko. Halimbawa may meeting kami ng isang malaking kliyente; nagsasagawa muna ako ng pagsasaliksik tungkol sa kompanya at sa mismong kliyente.

“Tuwing umaga sa opisina, sinusulat ko ang deliverables at responsibilities ko sa araw na iyon at iniisip mabuti kung paano makakamit nang maayos.

” Nariyan din ang teamwork. “
Aking natutunan sa baseball na daig ng isang koponan na may teamwork at chemistry ang isang koponan na may superstar ngunit wala namang teamwork. Isang napakandang bagay iyong magtrabaho kayo para sa iisang mithiin, isantabi ang mga pagkakaiba para makamit ito,” patuloy niya.

Isa pa ang integridad.
“Mas nanaiisin ko pang matalo kesa manalo sa pandaraya,” pahabol niya.

At maging sa pagkatalo ay may natutunan si Justin.

“Natutunan ko kung paano gawing positibo ang isang pagkatalo. Kung noong una ay nagagalit ako sa pagkatalo, noong lumaon ay natutunan kong tanggapin na naging mas mahusay sa amin ang katunggali at magsilbing leksyon ito para mas magpahusay pa at magsikap kami.

“Ganyan din sa buhay, hindi lahat puro kaligayahan at magagandang bagay. Bibigyan ka niya ng ‘curve balls” paminsan-minsan, bibigyan ng matitinding hamon at pahihirapan kang bumangon. Hindi ako sumusuko kapag may ganyang sitwasyon. Pinag-aaralan ko lang kung ano ang kamaliang nagawa ko at sisiguraduhing hindi ko ito uulitin pa.

” Dahil dito, hihikayatin ni Justin ang kanyang magiging supling at ang ibang kabataan na maglaro rin ng baseball.

“Isang napakagandang laro ang baseball at may malaking potensyal ito sa Pilipinas,” aniya.

Mayroon siyang payo sa mga paslit na nagsisimula pa lamang sa Little League.

"Tuloy-tuloy lang ang hard work. Hindi madali ang baseball/softball. At paminsan-minsan, makakaranas ka ng kabiguan, pagsumikapan lang at ito'y magbubunga sa huli. Makinig sa coaches. Makipagkaibigian. Mag-enjoy. Ito'y isang laro na dapat magdulot ng kasiyahan," panapos ni Justin. 

Little League Philippines 2018 Website design by: Jenno Camo Web Design and Develoment

Search