Little Leaguer Noon, Sports and Athletics Assistant Manager Ngayon

Mula sa munting palaruan ng baseball sa kanyang hometown sa Tanauan, ngayon ay ang makinis at magarang field na ng ekslusibong club sa Makati naman ang “playground” ng dating Little League player na si Rhoy Landicho.

Si Landicho ay kasalukuyang Sports and Athletics Assistant Manager ng ekslusibong club sa Makati, kung saan siya ay nangangasiwa sa mga sports facilities nito tulad ng field, tennis court, badminton court, squash court at swimming pool.

Tungkulin niya ang wastong pangagalaga sa mga nasabing pasilidad pati na ang pamamahala sa mga sports coordinators at pagtatalaga sa mga responsbilidad ng bawat isa.
Ang dating guro at coach rin ang responsable sa pagplano at pag-organisa ng mga palaro para sa mga kasapi ng club, kabilang na ang pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon.
Para kay Landicho, naging malaking tulong ang kanyang karanasan sa Little League sa kanyang napiling propesyon.

“Maraming lessons akong natutunan sa Little League at una na rito ang preparasyon. Bago ka sumabak sa Little League, bilang manlalaro man o coach, dapat maghanda ka nang husto upang maging mahusay ang performance at talunin ang mga kalaban. Ganyan din sa buhay, kailangan may preparasyon para magtagumpay; hindi naman kasi ito makukuha overnight,” salaysay niya.
Limang taong naglaro si Landicho sa iba’t ibang age-group  ng Little League para sa Tanauan at nang lumaon ay nag-coach na ng koponan niya sa Big League.
Noong 2010, katuwang ang mga “volunteer parents,” tinatag nila ang Lipa Barakitos at si Landicho ang nag-gabay sa koponan sa major division sa loob ng dalawang taon.
“Marami akong magagandang karanasan noong panahon ko sa Little League. Hindi ko malilimutan yung pagpunta ko sa iba’t ibang lugar tulad ng Baguio at para sa isang first-timer, hinding hindi ko malilimutan yun,” hirit niya.
“Maraming kaibigan akong nakilala Sa Little League na hanggang ngayon ay nakakasama ko po sa mga lakaran,” dagdag pa niya.
Para kay Landicho, ang Little League ang nagtuturo sa bawat manlalaro nang magandang kaugalian.“Disiplina, pagkakaisa, tiwala, commitment at paggalang sa kapwa,” kanyang sambit.
Kaya naman hindi mag-aatubiling himukin ni Landicho ang mga kabataan na maglaro rin.
“Hindi man sa Little League, kahit anong sports. Maraming matutunang aral sa buhay ang mga bata pag nasa sports sila at magkakaroon ng active at healthy na lifestyle pa,” pahabol niya.

RHOYWORK
Ang kanyang mensahe sa mga kabataan: “Sumali sa Little League at mag-enjoy. Marami kayong matutunan, sigurado yan!”
Little League Philippines 2018 Website design by: Jenno Camo Web Design and Develoment

Search